hersareHIS

The cradle of my heart and a miniature of my soul. Everything lifted to the One above. Created to share to the world an unbounded Love. A thousand words unspoken but hundreds of emotions never left unwritten. To the beating of His heart, i wish to march with glee. To the revolutions of His Spirit, i pray that i will dwell. Keeping all our moments together, locked in my heart. All that I have is His. Without, I have none.

KINGston June 26, 2013

Filed under: Uncategorized — Joanna Michelle Valdez @ 2:14 am
Tags: , , , ,

Noong isang gabi lang, sa wakas lumantad na ang bagay na matagal ko ring pinaghahanap.

Nasira ang bagpack na madalas kong gamitin sa pagpasok. Sa dami ba naman kasi ng mga nilalagay ko dun at sa ilang kilometro ng pinagsama-samang lakad ko sa araw-araw, hindi na nakapagtatakang bumigay siya. Kaya tanggap ko ng, sa kalaunan, masisira din siya, kahit paborito ko pa. O baka nga, dahil paborito ko siya.

Naisip ko, wala namang materyal na bagay ang nagtatagal sa akin eh. Ang mga doll shoes ko, naku, kahit mamahalin man o binili lang sa tiangge, pare-pareho lang ang tagal ng ipinamamalagi sa aking pag-aari. Di kalaunan, numinipis ang swelas, pumupusyaw ang kulay o bigla-bigla na lang nawawala ang pagkakadikit. Sa tatlong taon na ginugol ko sa unibersidad, nakadalawang sako na ata ako ng sapatos na sinira. Bionic ata ang mga paa ko.

Isama mo na ang mga daliri ko. Bionic din. Ang mga cellphone? Magpapamisa na ang nanay ko kung tatagal ng mahigit isang taon sa akin ang isang cellphone na hindi ipinaparepare, reformat o kung anung uri ng pagbubuting-ting. Sulit na sulit sa akin ang warranty kasi wala pang isang taon, siguradong kakailanganin na ng cellphone ko ang presensiya ng service center. Nokia, Motorola, pati china phone at cherry mobile walang naiba. Pati nga samsung na kasinglakas daw ng galaxy, wala ring kawala. Di na umaabot ng 2nd anniversary ang mga cellphone sa akin. Sabi nila baka iPhone ang sagot. Parang ayoko namang subukan, baka iyakan ko lang.

Yun nga, dahil sira na ang paborito kong bag, sabi ni mama, gamitin ko muna yung dati, na buo pa naman. Sumunod naman ako, alangan namang pilitin kong gamitin ang sira. Tsaka gabi na, wala ng mall na bukas. Habang naglilipat ng gamit, habang binubuksan ko ang bawat isang bulsa, dun sa pinakamaliit na compartment, bumulaga ang flashdrive kong matagal ko ng di nakikita. Na sa malamang ay di naman talaga magpaparamdam, kasi bagay lang naman siya.

Pero kahit bagay lang siya, oh anong laking halaga niya. Buong summer ko siyang hinanap, di ko matandaan kung saan inilagay. Di tulad ng bag, o ng mga sapatos ko, o kahit pa ng mga cellphone ko, yung flashdrive na yon, kinaya niyang tumagal. Anim na taon na siya. Medyo sira na nga kung titignan. Pero gumagana pa. kaya nga kahit 2Gb lang yon, hinanap ko talaga, pinagtanung-tanong pa sa iba. Eh noong mga pagkakataong yon, bukod sa suliranin ng pag-uulyanin, di ko talaga siya makita.

Kaya noong isang gabi, siguradong di maipinta ang muka ko, nung nakita ko siyang nanahimik sa maliit na bulsa ng luma kong bag. Hinawakan ko kaagad. Di makapaniwalang, hala, andito ka lang pala. Kagaya kasi ng iba ko pang gamit, tinanggap ko ng marahil, tapos na ang paninilbihan niya. Oo, di ako kaagad bumili ng panibago, kasi iniisip kong puwede namang wala. Pero sa totoo lang, oo, puwede ngang wala, kaso mas masaya at mas madali kung meron.

Napagtanto ko, hinanap ko naman ah, pero bakit di ko nakita noon? Bakit ngayon lang kung kailan tumigil na akong maghanap? Anong pinagkaiba ng ngayon sa noon?

Inisip ko yung sabi ng lola ko, kaya daw di mo nahahanap yung mga bagay na nawawala mo kasi may mga nuno o duwende na pinaglalaruan ka, na natutuwa sa pagkaaburido mo. Pero pag tumigil ka na sa paghahanap at nakita nilang di ka na aburido, ilalabas na nila ang bagay na yon kasi di na sila na-eentertain ng pagpapanic mo.

Hmmm.. Tama ba si lola? Nagsawa na nga kaya ang mga nuno at di na nila ko pinagtitripan kaya lumabas ang flashdrive ko?

 Lola, feeling ko hindi. Sorry po.

Inisip ko yung mga nangyari sa akin habang wala ang flashdrive ko. Una, naging resourceful ako, ginamit ko yung mga lumang SD card at nakakalat lang na card reader sa bahay. Pangalawa, mas sumipag ako,tinatapos ko na sa bahay yung mga sulatin para mai-print ko na dahil wala akong flashdrive na gagamitin pangprint sa labas pagnaghapit ako. Pangatlo, natututo akong maging masinop sa mga gamit ko. Panghuli, natuto akong pahalagahan kung anong meron ako. Na may mga bagay palang nawawala sayo kasi hindi mo sila pinahalagahan nung andiyan pa sila. Pero sa kabila ng pagkawala, namamangha akong isipin na di ko naisip bumili ng panibago. Siguro nga, hindi naman laging pagpapalit ang sagot sa mga nawawala.

At sa proseso ng paghahanap, napagtanto kong makikita mo lang ang isang bagay kapag handa ka ng makita ito. Isa pa, na sapat na ang mga bagay na meron ako ngayon para punan ang mga pangagailangan ko. Na pag nagkaroon ako ng mas marami o mas maganda, bonus na lang yon para pagbutihin ko pa.

Kaya nung nakita ko na uli ang flashdrive ko, na may scotch tape pa rin para di mahati sa gitna….

Nung nakita kong buhay pa ang 2Gb kingston slide data traveller na binili ko sa ipon ko nung high school…

Isa lang ang bumaling sa isip kong, magkasabay na nagugulat at natutuwa…

Walang mga duwendeng nagpopower-trip.

Wala.

Naniniwala akong hindi duwende ang nagparealize sakin ng mga bagay na natutunan ko.

At ang pinagkaiba ng ngayon sa noon?

Ngayon, handa na akong magpahalaga.

Advertisements
 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s